PDA

View Full Version : Japan First Timer Horror Story part 5 (ang pagbabalik)


shinshinobi
02-28-2007, 09:46 PM
Dahil sa naisipan ko na bumalik na lang sa Japan, naghanap na naman ako ng mapapasukan habang nasa Pilipinas.

Humingi ako ng tulong sa aking kaibigang hapon na siya ring nagtr sa akin ng nihongo. Sinabi niyang titingnan daw niya kung may malaapitan siya at sasabihin na lang sa akin kapag nakahanap siya.

Sinimulan ko rin maghanap ng trabaho sa internet. At aking natagpuan ang "forum" na ito. nabasa ko ang mga naka post ng trabaho at aking isinulat isa isa ang mga numerong nagsasabing mayroon daw trabaho.

Tinawagan ko ang isang kumpanyang nagsisimula sa letrang "A". Hindi ko na babanggitin ang panagalan ng kumpanya. Nakausap ko si brazilian san at sinabihan niya akong magpadala ng resume o bio data. Kaya aking inihanda ang aking resume at ipinadala sa kanya sa email.

Pagkaraan ng ilang araw ay sinagot niya ang aking email at sinabing may trabaho daw sila para sa akin. Tinanong niya ako kung gusto kong maging "tantousha" o mangangasiwa sa mga factory workers na Pilipino. Dahil ito ang huli kong trabaho, pumayag naman ako. Aking ikinatuwa ang alok na trabaho. tinanong niya ako kung kailan ako puwedeng pumunta sa Japan. Sinabi kong bigyan niya ako ng dalawang linggo para makapaghanda. Pumayag naman siya at sinabi niyang sabihin ko sa kanya ang araw at oras ng aking pagdating para masundo niya ako sa airport. Tinanong niya ako kung kilala ko si Pinoy B dahil pareho daw kami ng pinagtatrabahuhan nito dati. Sinabi ko namang hindi ko kilala ang pangalan, baka pag nakita ko siguro mamumukhaan ko. Ipinakausap niya ako kay Pinoy B at tinanong niya ako kung kilala ko si ganito at si ganoon. Sinabi kong kilala ko yung iba, taong Pebrero 2004 kasi noong nadistino ako sa Manila, na nagkataon namang Marso siya nagtrabaho sa aming kumpanya kaya hindi kami magkakilala. Pagkatapos ng maraming tanong ay nagpaalam na rin ito.

Sa ikatlong pagkakataon, akin na namang inihanda ang sarili. Bumili ako ng tiket papuntang Nagoya dahil malapit dito ang kumpanyang A.

Tatlong araw bago ako umalis, may tumawag ang akin hapon, ito ay si Mizuno san at kaibigan pala ito ng kakilala kong hapon at sinabi niyang may trabaho siya para sa akin. Sa computer daw ang trabaho kaya kung pupuwede ay pumunta ako kaagad sa japan.

Sinabi ko sa kanyang paalis na ako sa makalawa papuntang Japan, tinanong niya ako kung anong airport at sinabi kong sa Nagoya. Nagkataon din namang sa Nagoya din pala ang kanilang kumpanya kaya sinabi niyang tawagan ko daw siya pagdating ko sa Japan.

Hindi ko sinabing mayroon nang trabahong nagaantay sa akin. Ayaw ko kasing sayangin ang oportunidad. Mainam na yung may reserbang trabahong nagaantay. Hindi ko pa kasi alam ang mangyayari. Madali namang tumanggi kung saka sakali.

Ibinigay niya ang numero ng kanyang telepono at aking isinulat at itinago.

Isang araw bago ako umalis ay tinawagan ko na ang kumpanyang A at sinabi ko ang detalye ng aking pagdating. Sinabi niyang hindi na niya ako masusundo sa airport dahil may gagawin siya sa araw ng aking pagdating. Hihintayin na lang daw niya ako sa train station malapit sa kanilang opisina.

Dumating na naman ang araw ng aking pag alis. Sanay na ako at alam na alam ko na ang gagawin. Hindi na rin ako kinakabahan at nakatulog pa nga ako habang nasa loob ng eroplano.

Sa aking pagdating ay dali dali kong hinanap ang treng papunta sa lugar ni brazilian san.


Sa aking pagdating sa istasyon ay tinawagan ko si brazilian san. pagkaraan ng dalawampung minuto ay dumating si brazilian san at inihatid ako sa aking tutulugan.

Kinabukasan ay dumating si Pinoy B. Isang "tantousha" si Pinoy B ng kumpanya A. Sa kilos pa lang nito ay alam kong ipinagmamalaki nito ang kanyang trabaho. Inihatid niya ako sa opisina. Sinabi niyang maghintay muna ako sandali at tatawagin niya si Brazilian san. Tahimik naman akong naupo at inihanda ang sarilidahil alam kong may mag iinterview sa akin.

Ilang sandali pa at dumating na si Brazilian san. Tinanong niya ako kung ano ang mga naging trabaho ko at mga naging responsibilidad ko. Sinagot ko naman ng maayos at ikinuwento ko ng detalyado ang mga naging trabaho ko. Kung trabaho lang ay katulad ng trabaho ni Pinoy B ay alam kong kayang kaya ko ito, subalit ang ibinibigay sa aking trabaho ay sa pagawaan ng piyesa ng sasakyan. na aking ikinagulat dahil hindi naman ito ang aming napagkasunduan sa telepono. At sinabi pang isang oras mula sa bahay ang trabaho at kailangan ko pang mag bisikleta ng trenta minutos hanggang istasyon ng tren.

Kahit sinong may matinong pagiisip ay siguradong tatanggi sa iniaalok sa aking trabaho. Dito ko nahalatang ayaw lang akong tanggapin nito kaya imposibleng trabaho ang iniaalok sa akin. Ayaw kong isipin na siniraan ako ni Pinoy B dahil siguradong masasaktan ako, lalu na kung kapwa pilipino ko ito.

Malakas naman ang aking loob dahil alam kong mayroon pang naghihintay sa aking trabaho. Pero kung wala siguro ay hindi ko alam kung ano ang gagawin.

Para akong pusang inihatid sa istasyon ni brazilian san. Dala dala ko ang aking mabigat na bagahe. Matapos kupkupin kagabi ay ililigaw naman ngayon.

Agad ko namang tinawagan si Mizuno san.

ipagpapatuloy

summergirl
03-01-2007, 11:34 AM
Bitin ang kwento mo,dali ano ang susunod na nagyari.

palangga
03-01-2007, 11:49 AM
Bitin ang kwento mo,dali ano ang susunod na nagyari.
hahahahhaha :lol:
pareho pala tayo summergirl,binitin ni shinshinobi:p

maabangan nga ang susunod na kabanata :D

disney
03-04-2007, 05:01 PM
shin chan, hello sayo, naaliw ako sa kwento mo, itong thread na to ang una kong nabasa at hinanap ko talaga un mula part 1 ng nobela mo...nakakatuwa, may nakapag sabi na ba sayo na may talent ka sa pagsulat? galing eh... abangan ko pa ang mga susunod na kabanata...hehehe

shinshinobi
03-06-2007, 08:30 PM
salamat disney chan, sana ay nabigyan ko kayo ng konting aliw kahit papaano. :D

sharpener
03-06-2007, 08:35 PM
shin chan tuloy mo na hehehe

brgy.care
03-06-2007, 08:53 PM
yes!:p balik ulit novela dito!
may susubaybayan ako ulit!:D